15 November 2010

POEM: Akala Ko


AKALA KO
by Huggs

Akala ko noon ikaw na nga
Ngunit bakit ganon may humadlang pang iba
Naglahong bigla magagandang pangarap
Inangkin ng iba at ngayo'y naghihirap

Akala ko noon pangako'y matutupad
Ngunit bakit ganito sa iba napadpad
Sumpaang akala ko'y panghabambuhay
Yun pala, sa iba mo lamang iaalay
.
Akala ko dati'y akin ka na...
At ako'y iyo, buong puso't kaluluwa
Dahil lang me lumandi sa iyo kanina
Nakalimutan mo na't biglang nangaliwa

POEM: Handog


HANDOG
by Huggs

Huwag kang mag-alala kaibigan
Wala naman akong nais ipagdikdikan
Di ako interesado na mapasaiyo
Tangin kaibigan lamang ang maihahandog ko

Huwag bigyang kahulugan aking paglalambing
Hanggang dito lamang sa iyo'y aaminin
Huwag mo nang ipilit na may pagtingin ako
Pagkat masasaktan ka lamang sa piling ko

Maraming nang umiyak sa aking nakaraan
Sa bawat tulo ng luha ako ri'y nasasaktan
Kung kaya't ayoko nang paulit-ulit lamang
Nasasaktan ko na pala di ko pa nalalaman...
 

11 November 2010

POEM: Lansangan


LANSANGAN
by Huggs

Inangkin na nga ninyong lahat
Pati salawal di pa ba sapat
Gusto pang makita itinatagong lawit
Paano uuwi, saan na nga ba iiipit

Maglalakad pa sa gitna ng kalsada
Tatawid rin pati sa kahabaan ng EDSA
Ano ba ito't ako na'y nahihiya
Hubo't hubad pinagtitinginan ng masa

Nasaan na bang matatabang pulis
Di ba ninyo aaksyunan ng mabilis
Pagkat di na nakakatawa ito
Dumadami nang nagkalat na barumbado.

18 August 2010

POEM: Lihim


LIHIM
by Huggs

Akala ko noon nakuha ka na niya
Bakit ngayon tila nag-iisa
Maari mo bang sabihin anong kanyang ginawa
At ngayon ay di mo siya kasama?

Matagal na akong may pagtingin sa iyo
Ngunit anong magagawa at torpe ako
Naunahan na nila't sila'y iyong pinansin
Ako naman, heto kasama ng mga dingding

Bumili na ako ng rosas para ipadala sa iyo
Ngunit nagdalawang isip, "itutuloy ko ba ito?"
Kung kaya't itinapon na lang ang napagplanuhan
At ang nakinabang --- ang basurahan

Sayang mga pagkakataon kung iiwan ka lang din niya
Sana ako na lang baka sa akin ikaw'y lumigaya
Aking ipaglalaban ang pag-ibig na sisimulan
At hinding hindi kita iiwanan


 

POEM: Manggagawang Pinoy


MANGGAGAWANG PINOY
by Huggs

Hirap at pawis kanilang puhunan
Makamit lamang ang magandang kinabukasan
Maliit man ang kita sa bawat gawa
Dedikasyon sa trabaho kanilang pinapahalaga

Dumugin man ang bayan ng mga sakuna
Ipagkait man ng kalikasan kanilang mga lupa
Kabuhayan, pilit pa rin kanilang isinasalba
Pinoy na manggagawa, masipag at matiyaga

Di kayang buwagin ang ating lakas
Di lalaon, hirap magwawakas
Ating ipagmamalaki kanilang mga nagawa
Buo ang loob, sa hirap man o ginhawa


 

08 July 2010

POEM: Ang Makata


ANG MAKATA
by Huggs

Ano bang agimat
Ginintuang alamat
Pinamana ni Ama
Ipinapakita sa iba

Mapaglarong isip
Ilan ay panaginip
Tanging isinasalaysay
Makukulay na buhay

Susugatan ang puso
Dumadanak na mga dugo
Pag-ibig na bigo
Lahat nabibilang dito

Tula'y di magwawakas
Ngayon man o bukas
Hangga't may buhay
Bukas palad aming ibibigay


 

02 July 2010

POEM: Dyip


DYIP
by Huggs

Nag-krus ang ating landas ng di sinasadya
Di ko akalain dito pa kita makikita
Sa pupugak-pugak na dyip na sinasakyan
Ang iyong pag-upo di ko namalayan.

Tumabi ka sa akin at mata'y nagtagpo
Tiningnan mo ako mula paa hanggang ulo
Sabay sinabi mong "Huy! Ikaw pala yan"
Dito nagsimula ang ating kwentuhan.

Di nagtagal malapit ka nang bumaba
Iniwan mo iyong numero sa aking bulsa
Sabay sinabi sa akin "ako'y magpapaalam na"
Kailan kaya tayo muling magkakasama?

Dumating na rin ako sa aking patutunguhan
Iyong mukha naglalaro pa rin sa aking isipan
Hinagilap ko ang papel na binigay mo
Ngunit di ko makita, nahulog yata sa sinasakyan ko!

Naiinis ako't di ko makita sa aking bulsa
Nanghinayang ako't bakit ngayon nawala ko pa
Mag-aabang na lamang akong muli kang makasama
Sa dyip na sinasakyan, gabi man o umaga.