08 December 2008

POEM: Ang Pasko (Version 1)


ANG PASKO (Version 1)
by Huggs

Kaylamig ng umaga ako’y naninibago

Ngayo’y nangangatog habang naliligo
Aking pakiramdam tumitigil itong dugo
Nararamdam ko na, nalalapit na ang pasko

Kayraming nangangaroling, mga bata sa lansangan
Mga magagarang parol muling nagsabitan
Keso de bola’t hamon makikita sa tindahan
Ngunit may nabago, parang may kulang

Dumampi muli dito sa aking isipan
Mga pangyayaring di ko malilimutan
Mga nakaraan na walang kasing saya
Mga pagkakataong ikaw aking kasama

Ngunit ang lahat ngayo’y nagbago
Mga napipintong pangarap lahat naglaho
Sugatang puso akin nang sinarado
Mula nang iniwan ako ng iyong puso

Marahil di talaga tayo sa isa’t isa
Ngunit ang masakit, pinagtagpo ng tadhana
Siguro pasalamat na lamang at ika’y nakilala
At sa aki’y nag-iwan ng masasayang alaala

Ngayong pasko hindi na kita kasama
Tumulo man ang luha wala na ring magagawa
Dayain ko man ang isip ito’y balewala
Pagkat ikaw sa iba na ay maligaya


30 October 2008

POEM: Hiwaga


HIWAGA
by Huggs

Ano ba meron sa iyong pagkatao

At lahat ng lalaki sa iyo’y naloloko
Meron ka bang hiyas na wala ang iba
O dahil isa kang babaeng engkantada

Kumislap ang langit ng ika’y natanaw
Malapit na ba ang mundo’y magunaw
Dahil ba ngayon lang nakakita
Ng isang dilag tunay na mahiwaga

Nagliliwanag ang paligid ng ika’y makausap
Humuni mga ibon sa paglipad sa alapaap
Umuusbong mga bulaklak sa hardin ng pangarap
May pagkakataon kaya na ika’y mayakap?

Nagdadalawang-isip na ako’y magtapat
Ng aking damdaming sadyang di nararapat
Di dapat akong umasang iyong iibigin
Pagkat ang tulad mo di dapat biruin

Minsan mo nang nabihag itong puso
Ngunit ayoko nang may luhang tutulo
Kung kaya’t hayaan mo na lang ako
Sa’yo’y umiwas at magpakalayo…


POEM: Behave


BEHAVE
by Huggs

Aba! Aba! Aba! Ika’y kakaiba

Ano ba’t parang ika’y tulala
Meron bang dumukot ng iyong pitaka
O meron ba sa’yo’y gumahasa?

Di ako sanay na ika’y tahimik
Pagkat ika’y sa akin laging umaakit
Makipagkulitan dito sa tambayan
Pero bakit ganon wala kamalayan

Sipain kaya kita ikaw ba’y ngingiwi
Halikan kaya kita ikaw ba’y titili
Pwet mo kaya’y aking sundutin…
Ay naku… Kaya pala!


15 October 2008

POEM: Crush


CRUSH
by Huggs

Sumuko ang puso ng biglang makita ko

Mga dare dare na halikan dyan labi mo
Akala ko’y wala lang itong nararamdaman
Pero bakit ganito’t ako’y nasasaktan

Biglang tumulo itong mga luha
Naglaho ang pangarap kasama ng mga tala
May bukas pa bang ika’y papangarapin
May pag-ibig pa kaya akong aaminin

Di malaman anong aking gagawin
Hahayaan ba kita o ika’y aayawin
Pero sino nga ba ako para magsalita
Pipigil sa bagay na iyong ginagawa?

Iinom na lang ba ng alak ang mga nakita
O taniman ang utak ng dosenang bala?
Italon sa building upang matapos na
Pero ang tanong.. “malalaman mo ba?”

Crush lang kita yun ang alam mo
At ikaw lamang tinawag ko ng ganito
Pero baka ang lahat tuluyang magbabago
Pagkat seryoso na itong aking puso


10 October 2008

POEM: Torpe


TORPE
by Huggs

Nagbilang ng bituin at nagbakasakali

Malaman ang tadhana kung ako’y babati
Matatanggap ko bang sa’yo’y masasawi
Puso’y isasara at saka itatali

Nagtangka ako na ika’y kausapin
Kahit may kaba itong aking damdamin
Basta’t alam ko tapat itong puso
At ihahayag sa’yo buong pagkatao

Nakausap kita, aking ikinatuwa
Ako’y nagtatalon parang isang bata
Sobrang galak nalunok aking hawak
Kape at gatas, naiwan ay latak

Akala’y matatapos na itong pagtatagpo
Bukas makalawa baka biglang maglaho
Nakita ka sa channel na aking tambayan
Aking ikinamangha di mo pala iiwan

Nahulog aking loob ng di mo nalalaman
Nagpapanggap na isa lamang kaibigan
Hanggang dito na lang ba ako hihinto
O bubuksan ang nakakandado mong puso

Ako’y nasasabik na ika’y makapiling
Subalit di malalaman hakbang na gagawin
Sana’y magkalakas loob na ako’y umamin
Ng aking malaman na ako’y mahal mo rin


22 September 2008

POEM: Salem Bed


SALEM BED
by Huggs

Kay sayang mga alaala iyong iniwan

Iyong katangian kakaiba sa karaniwan
Marahil limitado lamang aking kaalaman
Ngunit mga ngiti’y di mawalay sa isipan

Ika’y nakilala sa #BREAKTIME na nilikha
Sadya bang ipinagkaloob sa akin ng tadhana
Salamat Panginoon at iyo’y ipinakilala
Sa aki’y tunay na magpapaligaya

Nagkukulay ang araw kapag ika’y naaalala
Napapangiti na lang at minsa’y natutulala
Nababawasan ang lungkot napapalitan ng saya
Basta litrato mo aki’y naaalala



31 January 2008

POEM: Adidas


ADIDAS
by Huggs

Mula nang iwan ako’y nangulila

Malaking dagok iyong pagkawala
Sa aking pagpikit ika’y nakikita
Ito bang dulot pag-ibig na hiwaga

Lumipas ang panahon di ito nagbago
Mahal ka pa rin nitong aking puso
Darating kaya panahon na hinihintay
O sadyang buhay wala nang kulay

Aking alaala regalo mo sa akin
Suot na Jacket tuwing malakas ang hangin
Pakiramdam ko’y ako’y iyong kayakap
Nabubuo muli itong aking pangarap

Ingat na ingat ako sa Adidas kong ito
Sapagkat ikaw lamang nagbigay ng ganito
Aking saya tuwing ito’y makikita
Pakiramdam ko’y lagi kang kasama


02 January 2008

POEM: Happy


HAPPY
by Huggs


Ika’y nakilala noong ako’y pumunta

Sa bayan ng Novaliches doon ay nagpakilala
Nahulog ang loob sa isang kisapmata
Pagkatapos ng sandali makikita pa ba?

Binuksan ang Friendster naghanap ng kakilala
Sa isang kaibigan, mukha mo’y nakita
Kagad pinadalhan ng mensahe, “Kamusta ka na?”
Tutugon ka kaya’t ako’y maalala...

Dumating ang sandali ikaw ay sumagot
Di inaasahang “DO I KNOW YOU” ang inabot
Muli na naman ba akong magpapakilala
Sa isang dilag na taga-Pampanga.

Muli akong nagpaalala ng mga pangyayari
Ipinakilala muli itong aking sarili
Aking inihayag ang aking buong pagkatao
Pagkat para sa’yo ako’y walang itatago

Lumipas ang panahon nahulog ang loob
Bigla naramdaman pusong kumakabog
Damdamin pala’y umiibig na sa’yo
Hinahanap-hanap pag tayo’y nagkakalayo

Kulitan at kwentuhan natin ay di maubos
Halos di na natin alam paano matatapos
Kapag magpapaalam kulang mga minuto
Talagang naalipin mo itong aking puso

Di nagtagal nagtapat rin ang damdamin
Ika-28 ng Mayo sa akin iyo ring inamin
“I do love you” iyong matamis na bigkas
Asahan mo’t pagmamahal sa’yo ipararanas

Nagkulay ang paligid ng ika’y makasama
Marinig lang iyong boses anong aking ligaya
Dampi ng iyong labi may hihigit pa ba
Haplos ng iyong pagmamahal talagang kakaiba

Akala ko ang pag-ibig ay walang hangganan
Ngunit bakit ganito ako ngayo’y iniiwasan
Ako ba’y nagkulang sa iyong pangangailangan
At naghahanap ng bagong kasintahan?

Dinayo ang lugar upang ika’y makita
Nang akin masulyapan iyong mga mata
Ako’y nananabik muli kang makasama
At muling balikan masasayang alaala

Maraming salamat sa mainit na pagtanggap
Di malilimutan mga pangyayaring naganap
Sana’y sa pagbalik muli kang makaharap
At iyong gisingin natutulog na pangarap

Sa muling pagdalaw iibigin pa kaya
O baka sa pagbalik may kapiling ng iba
Sana’y huwag mong isara ang iyong puso
Pagkat pagmamahal ko sa’yo’ di magbabago